2010 Summer Komikon: Persepsiyon at Impresyon

26 Apr

2010 Summer Komikon: Persepsiyon at Impresyon ng Isang Nagbakasyon
Sinulat ni Fermin Salvador

Unang beses akong nakadalo sa summer komikon (o anumang ‘komikon’ for that matter) noong ika-17 ng Abril, 2010, sa Bahay ng Alumni sa UP – Diliman ilang oras bago ang lipad ko pabalik sa Estados Unidos matapos ang humigit-kumulang sa 3 linggong bakasyon. Sobra sa 3 linggong bakasyon kung isasama ang halos 24-oras na kada one-way trip at mga hintay sa mga paliparan. Wala pa, kung ang bibilangin lang ay ang mga araw na sadyang inilagi sa Pilipinas. Sinadya man o hindi ay pumasok sa loob ng masikip na hawlang ito ang petsa ng summer komikon sa taong 2010. Last 2 minutes, o 20 minutes before take-off.

Unang araw ko pa lang sa Pilipinas ay nasabi na ni Randy Valiente na ‘pasok’ ang iskedyul ko para makapunta sa summer komikon sa a-disisyete. Anya, makikita ko ang mga tagakomiks at ang mga bagong produktong komiks.

Bahay ng Alumni. Ito ang tawag sa gusaling pagdarausan ng Summer Komikon 2010. Malamang na napuntahan ko na ang sulok na ito, at malamang na hindi isang beses lamang, sa dami ng mga nakalipas na ebentong nasulyapan ko sa UP. Naging writing fellow ako ng UP Creative Writing Center noong 1987 na kasama sa mga kaakibat na ‘luho’ ay ang paninirahan sa Kalayaan Residence Hall at hainan ng pagkain kada dalawang oras. Sa UP din idinaraos ang mga sesyon ng Galian sa Arte at Tula (GAT) na dinaluhan ko nang taon ding iyon. Tinedyer pa lang ay madalas na ako sa UP. Nang lumaon ay napupunta pa rin ako rito manaka-naka ngunit sa mga pulong, seminar, o simposyum tungkol sa mga isyung pamburukrasya bilang isang junior officer sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP). Sa mga panahong iyo’y ‘talampakan-note’ na lang ang minsang pakikisawsaw ko sa mga “beggars’ banquet” ng mga literati/culturati.

Nagtungo ako sa venue ng summer komikon na may dalang antigong handycam na ang balang nakakasa ay naglalaman ng mga tagpuan ng mga naunang pinuntahan: Mall of Asia, Manila Ocean Park, iba pang shopping mall, CWC sa Pili, magmula sa alapaap hanggang sa mga kalsada ng Quiapo.

Sa istandard ng mga Pinoy, puno ng tao ang UP-BNA. Kapag sinabing sa istandard ng mga Pinoy, ang ‘puno’ ay ‘to capacity’ talaga. Kiskisang-siko ang mga naroroon. Pero napag-alaman ko na mas marami pa ang mga dumalo sa mga nakalipas na taon.

Walo sa bawat sampung naroroon ay mga tipong estudyante sa kolehiyo at nasa edad ng isang estudyante sa kolehiyo. Lima sa bawat walo ay tipong cono na ang atraksiyon ng komiks ay sa pagiging “high art” nito at hindi sa pagiging babasahin ng “masa” na mas etiketa ng komiks sa Pilipinas sa maraming dekada bago pa sila isinilang.

Wala akong makilala sa mga naroroon. Lalong walang nakakikilala sa akin. Naging abala ako sa pagsiyut ng mga displey at mga eksena. Nakita ko sa isang hapag ang mga beteranong dibuhista. Kilala ko sila sa mukha ngunit malamang na sila ay hindi ako kilala. Karamihan ay abala sa walang patid na linya ng mga nais magpaiskets. Gusto ko mang magpaiskets ay alam kong hindi ako makakasingit. Wala ring pagkakataon na makausap sila sapagkat nakatutok sila sa pagdodrowing.

Dumating si Karl Comendador na dahil wala nang espasyo sa hapag ay nanatiling nakatayo. Nakiraan ako sa harapan niya. Naisip kong bumalik upang makipagkamay. “Sa US ka na nakabase, di ba?” Tanong niya sa akin gayong hindi ko sinabi ang pangalan ko.

Nakita ko si Mang Jess Jodloman na nagmamasid sa paligid habang nasa hapag ng mga beterano. Kasama niya ang anak na si Grace. Tahimik lang na nagmamasid si Mang Jess ngunit mababakas ang lugod sa kinaroroonang lugar. Bumili ako ng art folio niya na naglalaman ng photocopy ng kanyang mga kagila-gilalas na obra sa halagang P200 kada isang set. Sa katumbas na halos $4 lang ay isang bargain ito kung ikukumpara sa isang poster ni Miley Cyrus, halimbawa, na nagkakahalaga ng $12.

Bumili rin ako ng art folio ni Karl na P200 din ang isang set. Prayoridad kong bilhin ang mga ganitong art folio ng mga beterano ngunit hindi ko na nabili ang sa iba sapagkat ubos na o nakaligtaan ko nang sadyain sa pagmamadali.

Kung masusunod ko ang sariling kagustuhan ay mananatili ako roon hanggang sa huling segundo. Pero kailangang sundin ko ang isinasaad ng electronic ticket na nagsasabing 12:30 a.m., Abril 18, ang lipad ng eroplanong sasakyan ko patungo sa unang stopover sa Incheon sa Timog Koreya. Dalawang oras ay kailangang nakapag-check in na ng mga bagahe. Hindi puwedeng mag-underestimate ng trapiko patungo sa NAIA. Dumating ako sa UP-BNA pasado ala-una ng tanghali at nagtakda ako na hanggang alas-dos y media lang doon o, pinakamatagal na, hanggang alas-tres.

Bago ang araw na ito, nag-shoot kami nina Randy V. at Abet Umil ng mga eksena sa ginagawa naming ‘companion video’ ng ipapablis naming antolohiya ng mga tula na may pamagat na ‘Ipuipo sa Piging’ na pagtatampukan ng mga bagong dugo at maaalamat na makata ng Pilipinas. Kinailangang masyutan ang mga eksena ko bago ako magbalik sa US. Magmula umaga hanggang kalaliman ng gabi’y kung saan-saan kami napadpad na mga lokasyon. Sa apartment ni Randy, sa Manila City Jail, sa Kalye Makata sa Tundo, sa bantayog o relief ni Gat Bonifacio malapit sa Manila City Hall, hanggang sa isara namin ang iskedyul para sa araw na iyon sa pagkape sa Luneta habang pinakikinggan ang emo ng mga tinedyer na babaeng istokwa.

Maayos kaming naghiwa-hiwalay na tatlo upang ipahinga ang sarili para sa panibagong araw. Nabasa ko ang promo na “Bikini Night” nang gabing iyon sa Padi’s Point na makailang hakbang ang layo sa inuuwian kong bahay. Ano ba naman kung mapadaan saglit. Nadaya ako, hindi naka-bikini ang mga seksing babae kundi puro naka-thong. Pasado alas-tres na ng madaling araw ako nakahiga. Sa apartment ni Randy natulog si Abet para sa pagsu-shoot sa komikon kinabukasan. Inabot din sila nang madaling-araw sa pagtumba ng mga bote ng SMB light.

May kinalaman ba ang ‘Ipuipo sa Piging’ sa komikon? Meron at wala. Nang mag-shoot si Abet ng interview segment sa akin at kay Randy tungkol sa produksiyon ng antolohiya ng mga tula, hindi naiwasang sumagi ang talakay sa industriya, sining, at sektor ng komiks at mga tagakomiks. Nagpasya kaming gamitin ang mga portion na ito sa isang hiwalay na documentary video sa komiks. Mangangahulugan ng panibagong serye ng pakikipanayam at sa pagkakataong ito’y sa mga tagakomiks sa halip na mga makata. Bumuo kami ng magiging balangkas ng bidyo. Bilang panimula’y susyutan ni Abet ang 2010 Summer Komikon.

WALA akong nadaramang hang-over bagaman huli nang dalawang oras sa usapan namin nina Randy na magkikita sa UP-BNA nang alas-onse ng umaga. Dala ni Abet ang video camera na nagkakahalaga nang halos kalahating milyon at sinyutan ang mga eksena sa paligid. Nakapanayam niya ang ilang personalidad. Nang dumating ako’y alam kong nariyan lang sila somewhere kaya parang namamasyal lang ako sa pag-ikot-ikot, bagaman parang nasa Divisioria ka sa dami ng tao.

Sa paglalakad ay may narinig akong malakas na “Pare!” na haka ko’y patungkol sa akin. Lumingon ako sa paligid at nakita si KC Cordero na tumindig mula sa puwestong mesa. Binigyan niya ako ng tig-isang kopya ng dalawang edisyon ng kanyang Comicspotting sabay sabing nabawi na niya ang puhunan at may kaunti na ring tubo.

Ang Comicspotting ni KC ay ‘gawang-bahay’ na babasahin na naglalaman ng mga kuwentong-komiks at kuwentong-prosa. Isang dibersiyon at part-time na negosyo sa gaya niyang patnugot ng The Buzz Magazine, manunulat sa telebisyon, at iba pang ‘raket’ sa ngangayuning jargon ng yuppies.

Ang Comicspotting ay matagumpay na ideyang pangsining at pangkalakal. Magaganda ang mga kuwentong-komiks at kuwentong-prosa rito. Humahaplos hindi lang sa puso kundi maging sa utak. Di kataka-takang tinatangkilik ng marami. Gaya ng maraming nakahain sa komikon ay independiyente ito. Isang independiyenteng proyekto, independiyenteng negosyo, independiyenteng pag-aalay ng isang taong ang pagiging manunulat at malikhain ay dumadaloy sa mga ugat.

Masasabi ring ang ginagawa nina KC at ibang may produktong nakatanghal sa komikon ay payak ngunit walang pasubaling pagpapahalaga sa sining at kultura. Mayamang imahinasyon, kaunting puhunan, lipon ng maiikling kuwento, isang kulay ng tinta, batikang mga daliri, makinang pangseroks, higit sa lahat ay determinasyon at presto – may panindang komiks!

Hindi katulad namin ni Randy na nakasusubaybay sa mga di kalaunang ‘rebolusyon’ sa planeta ng komiks, si Abet na isang premyadong manunulat at nasa “lehitimong panitikan” mula’t sapul ay may baong ideya na ang komiks ng Filipino ay patuloy na may mahigpit na kapit sa oryentasyon at sensibilidad ng “masa”. Mistulang ‘shocking’ sa kanya ang nakita sa komikon. Ano ito? Mga taong ayaw magsitanda? Ito ang naibulalas na unang impresyon niya sa nasaksihang tagpo sa komikon. Natawa ako. Parehong unang ekspiryensa namin sa komikon pero magkaiba kami ng reaksiyon. Bagaman kung may ikinagulat ako ito’y ang absensiya ng mga kakilala ko sa industriya ng komiks. Partikular, ‘era’ ng industriya na aktibo kong ginalawan bilang tagakomiks.

Sa buong mundo halos, maliban sa pamamayagpag ng isang partikular na tradisyon ng komiks sa Pilipinas sa nakalipas na maraming dekada bago ang pagpapalit ng milenyo, ang komiks bilang unibersal na anyong-sining ay para sa at dahil sa pag-iral ng kamalayang “child-like”. Narito ang mga kuwento ng kababalaghan, superbayani, katatawanan. Nakakasa ang mga pahina, dibuho, karakter, banghay, at ‘lingo’ nito para sa sensibilidad nang kung hindi mga musmos ay nasa extended na yugto ng pagkabata.

Sa Pilipinas, nag-ebolb ang saysay ng komiks bilang libangan at ‘hibangan’ na hindi eksklusibong para sa mga nasa edad na labingwalong taon pababa. Outnumbered, katunayan, ng matatandang mambabasa ang mga bata. Matatanda, na mas may pera, ang bumibili noon ng bulto ng komiks kaya naman kumpara sa ibang lahi ay komiks ang naging pangunahing produktong babasahin ng Pinoy.

Sa ibang bansa, noon at ngayon, ang komiks ay kabilang sa mga ‘marginalized’ na babasahin sapagkat segunda o tersera lang ito sa ibang babasahin gaya ng aklat, magasin, diyaryo, at iba pa. Sa Pilipinas ay may panahon na daig ng pinagsamang sirkulasyon ng mga komiks titles ang pinagsamang sirkulasyon ng lahat ng ibang babasahin.

Higit na nakararami ang matatandang mambabasa ng komiks sa mga nakalipas na panahon kaya naman inilalarawan din ng nilalaman ng mga pahina ng mga itinuturing na ‘tradisyunal’ na komiks ang sensibilidad at sensitibidad ng mga mas ‘matured’ na mambabasa. May mga superbayani na Darna at Panday, may mga katatakutan, may mga katatawanan o ‘kakenkoyan’ na isa sa maraming salitang ambag ng komiks sa modernong bokabularyo ng Filipino. Naririyan din ang mga reyalistikong istorya ng aksiyon nina Francisco Coching at Carlo Caparas at mga melodrama nina Elena Patron, Nerissa Cabral, o Pablo Gomez na uring kinababaliwan, noon man at ngayon, ng napakaraming kababaihan.

Sa aspeto ng sining-biswal, pagmasdan ang mga dibuho at di sasabihing inilaan lang ang mga ito para sa panlasa at paghanga ng mga paslit.

Isa pang masasabing katangian ng ‘tradisyunal’ na komiks ang pagpapairal ng matatawag na ‘istandardisasyon’ sa format ng komiks bilang magasin, estilo ng pagdidibuho, at pamamaraan ng pagsasalaysay ng kuwento. Bagaman walang puknat ang pagsulpot ng mga bagong katha/likha na karakter at banghay ay di maikukubli ang pagsunod sa isang uri ng kumbensiyon. Makikita ang husay ng hagod ng dibuho magmula kina Coching hanggang kina Hal Santiago ngunit ang estilo ay tila may intrinsikong limitasyon. Mauunawaan ito kung iisiping ang produksiyon ng komiks sa panahong ito’y higanteng industriya ay maihahalintulad sa isang assembly line na ang pinakamadaling paraan ng paglalagay ng quality control ay sa pamamagitan ng paglalapat ng format na istriktong sinusunod. Idagdag pa na sa aspetong corporate ay may umiiral na monopolisasyon at ‘stable system’ sa komiks noon.

Nang matibag, o gumuho, ang monopolyo at ‘stable system’ ay kasamang natibag ang espasyo ng komiks sa popular na kultura ng Pilipinas bunga ng paghinto ng mass production system nito. Ang ‘phoenix’ na bumangon mula sa abo ay ang hiwa-hiwalay at tribu-tribung produser ng mga tinatawag na ‘independiyenteng komiks’ na walang common ground at common denominator mlaiban sa paglikha at pagtanghal ng komiks sa batayang kahulugan nito bilang nakadibuhong babasahin. Dito pumasok, at nauso, ang mga komikon at ibang katulad na ebento na nagsisilbing pagtitipon-tipon sa iisang lunan at petsa ng sinumang manlilikha at/o produser ng komiks.

Isang dismaya ang komikon sa sinumang ang nakabahid sa alaala kapag sinabing “komiks” ay ang babasahing “pangmasa” at “makamasa” na nagtatanghal at naglalarawan ng buhay ng mga ordinaryong tao sa lipunang Filipino partikular ang mga nabibilang sa ibabang bahagdan ng guhit ng antas-kabuhayan. Kung ang inaasahang makita ay ang tinatawag na mga ‘tradisyunal na komiks ng Pinoy’ na naglipana noon sa mga bangketa ng sangkapuluan ay mabibigo. Maliban sa ilan, hindi ko nakita sa 2010 Summer Komikon ang mga manunulat na kontemporaryo ko noon sa nasabing tradisyon bagaman alam kong nariyan lamang sila sa mga tabloyd, paketbuk, at ibang anyo ng babasahin ng masa na patuloy na umiiral. Maging ang mga beteranong dibuhistang naroroon ay kakaunti kumpara sa kabuuang bilang ng kanilang hanay.

Sa halip, ang makikitang nakahain ay ang mga komiks na magkakaiba ang sukat, hubog, at presentasyon. Kakaiba at magkakaiba ang mga karakter at daloy ng salaysay. Tahasan ang impluwensiya ng banyagang kultura. Ingles ang wika ng ilan, kasama pati na ang mga pag-slang. Naglalahad pa rin ng buhay-Pinoy subalit sa mas kontemporaryong saysay, mas urban/e ang setting at mas nakaempasis sa punto-de-vista ng mga may supistikasyon ng globalisadong panahon.

Ang komikon ay binubuo ng ganap na ibang henerasyon. Bagaman dinadaluhan ito ng ilang mga itinuturing na beteranong dibuhista ng industriya ng komiks at mga ‘crossover personalities’ o mga tagakomiks na inabot ang (paradigm) shift sa bagong trend ay minorities lang ang mga ito sa pangkalahatan.

Wala akong nakitang mga sikat na manunulat ng tradisyunal na komiks. Kasama na sa mga tinutukoy ko rito ang mga may-akda ng mga nobelang orihinal na naiserye sa komiks na ginawang seryeng pangtelebisyon ng malalaking television network. Nangangahulugan ba ito ng pag-snob nila sa komikon? Na di sila nababagay sa isang okasyon sa komiks na iba sa nakasanayan ang oryentasyon ng mayorya ng mga nag-organisa at dumadalo? Na sa ibang panahon, sa pagtitipong may layuning ipagbunyi ang komiks bilang anyong-sining na mas malapit sa kinagisnang tradisyon ay higit na maaasahan ang kanilang visibilidad?

Komikon para sa mga manlilikha, aficionado, at tagapagsulong ng tradisyunal na komiks, isang ideya ang kumislap Hindi naman siguro masama kung magdagdag ng isa pang komikon. Isa pang suhestiyon ay ang pagkakaroon ng ‘travelling komikon’. Magkaroon ng ‘komikon world tour’ sa mga bansang maraming Pinoy. Ano kaya’t magkaroon ng komikon sa San Diego mismo?

Sa 2010 Summer Komikon, at marahil sa lahat ng komikon, namamayagpag ang mga kabataan. Maraming nasa BNU ay mga estudyante rin ng UP. Pero isa lang ang UP sa mga taunang venue. Idinaraos din ito sa mga shopping center gaya ng SM Megamall. Pero ano ang karaniwang ‘profile’ ng mga dumadalo sa komikon? Mga kabataan ba na hanap ay ‘bohemian’ na buhay? Maging ‘extreme artist’ na walang arawang rutina? Tagapagsalin sa papel ng mga kakaibang ideyang ipinapanganak ng imahinasyon kasabay ang pag-asang darating ang araw na sila ay ipagbubunyi sa pagiging henyo at magkakaroon ng lifestyle na angkop sa isang rockstar at ‘forever young’ gaya ng pahiwatig ni Abet? Maaaring may mga ganoon. Nagkalat ang ‘wannabe’ sa mundong maliit. Pero higit sa nubenta porsiyento, sa tingin ko, ay naroroon para magkaroon ng tinatawag na ‘clean fun’ o, maaari rin, good ol’ fashion rock & roll.

May makikita ring mga banyagang nagmamasid sa summer komikon. Nagkalat ang mga videocam, at pangkaraniwan ang flash ng mga kamera. May nagpupunta ring mga selebridad at matataas na tao (pulitiko, burukrata, socialite, etc.) na nagnanais mapaugnay ang sarili sa anumang pagtitipong pangkultura.

Sari-saring kaugnay na komoditi ang matatagpuan sa loob ng venue bukod sa babasahing komiks sa iba’t ibang anyo, sukat, hubog, at orihin. May mga ipinagbibiling mga laruan, stickers, baso, tasa, dekorasyon, poster, salamin, banner, kamiseta, saplot-ulo, at kung anu-ano pa basta may kawil sa komiks na lokal man o imported.

Sa pangkabuuan, maihahalintulad sa isang pistahan ang komikon. May galak ang lahat; mga nagsipaghanda at mga nakipamista na tulad ko. Walang lugi o luhaan. Magmula sa mga beteranong dibuhistang nag-obertaym ang mga ginintuang kamay sa kaiiskets ng iba’t ibang mukha hanggang sa pinaka-neophyte na nagdispley ng likhang-komiks ay tiyak na masaya pagsapit ng hapon hindi dahil sa dami ng kita kundi sa satispaksiyon sa natamong pansin sa piniling sining.

Kada taon ay apat na beses nang idinaraos ang komikon na pormal na ebento tungkol sa komiks sa bansa. Bagaman dalawa lang ang ‘season’ sa Pilipinas, tag-araw at tag-ulan, ay ginawa nang apat ito at ang ‘four seasons’ ay komiks season lahat.

Matapos kaming magkatagpu-tagpo nina Abet at Randy ay nagkahiwa-hiwalay din kami sa loob. Patuloy si Abet sa kasu-shoot habang si Randy ay pinapunta sa entablado sapagkat kasama siya sa mga dibuhistang naitampok sa Rennaisance compilation.

Nang kuntento na ako sa mga nakunan sa aking handycam ay mabilisan akong nag-ikot-ikot upang bumili ng mga panindang komiks. Bumili ako ng Philippine Adventure Stories na nagkakahalaga ng P650 ang kopya. Sinabi ng aleng nagtitinda na papipirmahan niya ang kopya ko sa mga dibuhista. Nawala nang ilang minuto ang kopyang binili ko at nang ibalik niya sa akin ay may otograp na nina Abe Ocampo, Rico Rival, Clem Rivera, at iba pa.

Paalis na ako nang makita ang hapag ni Hazel Manzano na nagtatanghal ng obra niyang Call Works at bagong hango sa imprenta na Proud Callboy na parehong tumatalakay sa buhay sa trabaho at daigdig ng mga call center agent. Nang bumili ako’y nilagyan niya ng dedikasyon ang kopya ko nang ganito: “Fermin, magbakasyon ka naman!” Nagpapahiwatig pa rin ng kalagayan ng isang call center agent. Kaya lang hindi ako call center agent at lalong hindi ako callboy. Pero, sa naging fatigue ko sa nakaraang tatlong linggo, parang kailangan ko nga ng (panibagong) bakasyon.

Lahat nang nabili ko’y napagsama-sama sa isang malaking plastic bag. Ikatatlo na ng hapon. Alas-dose nang gabi ang iskedyul ng lipad ng eroplanong sasakyan ko patungong Timog Koreya. Mula roon ay sasakay ako ng eroplano patungong Los Angeles. Mula Los Angeles ay pa-O’Hare sa Chicago. Dalawa ang stopover pero ito ang itinerary na nakuha ko sa dalawang araw na palugit sa kakilalang travel agent at sa iskedyul ng bakasyon na parang hawla sa sikip.

Sa bahay, naiayos ko na ang dalawang luggage na dadalhin ko na ang bawat isa’y hindi dapat lumampas sa 50 lbs. ang timbang. Nakahanda na rin ang hand carry bag ko na limitado sa 25 lbs. Saan ko ilalagay ang mga binili sa komikon? Pagsundo ng van na maghahatid sa akin sa NAIA, binitbit ko ang plastic bag mismo. Habang nasa bituka ng sinasakyang may mga bagwis at sa pagitan ng mga stopover ay mayroon akong mababasa. May marerebyu.

(Espesyal na lathalain ng may-akda sa pitak niyang ‘Estado’ sa pahayagang Fil-Am MegaScene sa Chicago, Illinois, at eryang Midwest ng USA.)

No comments yet

Leave a Reply